Taguan

Eli, Eli, lema sabachtahani?- Mateo 27:46

Kayhimbing ng tulog ko’t kay linaw ng aking panaginip.

Kristal…. Kristal… Kristal!

Halos mapugto ang litid ko sa pagsigaw habang tinatahak ko ang pasilyo ng lumang eskwelahan. Bawat pintuang aking maraana’y aking sinisilip. Ginagalugad ng aking paningin ang bawat lumang mesa at mga iika-ikang silya sa loob ng bawat silid. Tama. Baka nga naman doon sa ilalim o sa likod ng mga ito’y nagtatago si Kristal. Ngunit iiling-iling kong lilisanin ang mga iyon upang bigong tumungo sa susunod na silid.

Taliwas sa madalas na mangyari tuwing Sabado o Linggo, ako ang nakababad na

taya. Madalas, si Kristal ang taya. Sa simula’y s’ya ang magtatago upang sa loob lamang ng ilang sandali’y Makita ko sa likod ng mga paso ng mga halos mangalantang halaman o di kaya’y sa likod ng isang pinto. Dangan kasi’y tako s’yang magpakalayu-layo at magtago sa kung saan-saang sulok na di n’ya kabisado kung kaya’t madali ko s’yang natataya.

Pung! Kristal! O, ikaw naman ang taya.

Magugulat pang bahagya si Kristal!

Ay! Ang daya naman e, Nanilip ka kuya, ‘no?

Oy, hindi a,

Pupungas-pungas pang tutungo si Kristal sa pader sa dulo ng pasilyo. Ihihilig niya ang

kanyang braso sa pader at isasandal ang noo sa braso. Papilit s’yang sisigaw.

Pagbilang ko ng sampu, nakatago ka na!

Dali-dali akong magtatago sa paborito kong taguan… doon sa kabilang dulo ng pasilyo.

Isa… Dalawa… Tatlo…

Sa dulo niyo’y naroon ang banyo. Madilim doon, wala kasing mga bumbilya. Hindi doon nagpupunta si Kristal. Takot s’ya sa dilim. Mula sa loob niyo’y kitang-kita ko s’ya sa pamamagitan ng isang maliit na butas.

- Apat…

- Lima…

- Anim…

Sabi ni Noknok, kalaro ko, nahuli raw s’ya minsan na namboboso sa mga kaklase niyang umiihi. Takam na takam s’ya sa pagsipat sa mga binti at puwit ng mga kaklase sa butas na iyon mula sa labas ng banyo nang mahuli s’ya ng kanilang titser. Buking na buking naman kasi ang pamboboso n’ya, dangan kasi’y namimilipit pa s’ya sa pagsilip. “Di na s’ya pinapasok ng Nanay n’ya matapos siyang pagsasabunin. Pinatawag kasi nu’ng titser si Aling Ima, sabi raw ay binobosohan s’ya. Ang lokong si Noknok, pinagtanggol pa ang sarili. Sabi nama’y di naman ‘yung titser ang binibosohan n’ya kundi ‘yung kaklase niya. Ayun,

binugbog pa s’ya ni Aling Ima. Buti nga!

- Pito… Walo… Siyam…

Wala pang sampu’y lilinga-linga na ni Kristal.

- Sampu!

Magpapalipat-lipat ng silid si Kristal, magbabaka-sakaling makikita ako sa isa sa mga

iyon, upang pagdating sa huli’y maluha-luha s’yang iiling-iling, sabay bubunghalit at mag-aanyong kaawa-awa.

Kuya… kuya naman, e. Uwi na tayo!

Sa ganoong tagpo’y kaaawaan ko ang kanyang inosenteng mukha na lalong pinaamo ng nangingislap-ngislap n’yang mga mata sahil sa mga namumuong luhang nagbabadyang pumatak. Lalabas ako’t magkukunwang walang kaalam-alam sa kanyang pagmumukhang-tanga sa paghahanap at dahil sa pagmamakaawa upang bigyan lamang s’ya ng kaligayahan sa pag-aakalang nataya n’ya ‘ko.

-Pung! Kuya Openg!

Ngunit sa panaginip ko’y ako ang taya at hirap na hirap sa paghahanap. Hindi ako makapaniwala. Pati ang banyong madalas kong pagtaguan ay tiningnan ko na ngunit wala rin doon si Krista. Saan kaya s’ya nagsuot? Paanong nakapagtago s’ya sa kung saan gayong dati-rati’y takot s’yang magpakalayu-layo sa ‘kin?

Kristal! Kristal!

Bangon na, oy! Aba’t kukupad-kupad pa ‘tong batugang baklang ‘to!

Aba, aba… ‘yung bakla, matatanggap ko. Totoo ‘yun. Pero ‘yung batugan, hindi ko masisikmura. Pa’no ba nama’y katitirik pa lang ng araw, bitbit ko na’y kahon ng sigarilyo habang palipat-lipat sa mga bus at pasabit-sabit sa mga jeep habang si Tatay ay Tanduay o

Ginebra na ang hawak. Batugan pa pala ako gayong ako itong napapagod at napupuyat sa paggala-gala kung saan mataong kalsada tuwing umaga hanggang hapo’t gabi at kung minsan pa’y katu-katulong ni Nanay sa pagtitinda ng karne sa palengke samantalang si Tatay ay pahilik-hilik lang na nakatihaya sa bahay.

Pupungas-pungas pa ‘kong babangon. Wala nang mumugan ay dadamputin ko ang kahon ng sigarilyo. Kagabi’y bilang na bilang ko ang laman niyon… tatlong kaha ng Marlboro, dalawang Philip at Hope at isang Winston. Ngayo’y kulang ng isang kaha ng Marlboro. Madaling napawi ang aking Pagtataka. Paano’y nanghahaba ang nguso ni Tatay sa paghithit-buga ng sigarilyo sa isang sulok habang sinasabayan ng pagtangu-tango ang makapananggal-tutuleng kantang metal na nagmumula pa sa kabilang bahay.

- Iwanan mo’ko ng sampu bago ka umalis. Baka hindi ako pautangin ni Aling Pinang, e.

Sampu… sampung piso lang para sa bilog o lapad o sa kahit na anong nakapanlalasing. Nakikini-kinita ko nang susuray-suray na naman si Tatay mayamaya lang sa kung sang iskinita habang pilit na hinahanap ang daang pauwi sa aming barung-barong o di kaya’y hihilik-hilik na nakasalampak sa tabi ng kung sang estero.

Sabi ni nanay, hindi naman daw dating ganyan si Tatay. Dati’y nagtatrabaho daw si Tatay doon sa pabrika ng sabon sa Makati. Nang magbawas ng mga trabahador sa pabrika, isa s’ya sa mga minalas na nasisante. Mula noon, nagsimula nang makitagay si Tatay sa kung saan-saang kanto, hanggang sa magsawa ang kanyang mga kainuman at matuto siyang makipagkwentuhan sa sarili habang solong nagpapakalasing. Buti sana kung katulad s’ya ng iba na kung nalalasing ay walang kibo lang sa isang tabi o di kaya’y mahimbing na natutulog. Si Tatay, kapag nalalasing, madalas ay naghahamon ng away at kung may siga-sigang magkakamaling pumatol ay uuwing pasa-pasa ang mukha. O di kaya’y kung

minamalas, si Nanay, si Kristal o ako ang napagdidiskitahang regaluhan ng dagok o tadyak. Aba, nawili ‘atang parang-haring titiha-tihaya’t pautos-utos na lang sa bahay si Tatay, lumalamon kahit painum-inom lang ng alak buong maghapon. Kung minsan tuloy, naiisip ko kung ano ang naging kasalanan ko at ni Kristal at binigyan kami ng Diyos ng Tatay na batugan. At si Nanay, bakit nag-asawa ng lasenggo!

WALA akong maibigay na tubo kay Nanay.

Nagkulang po kasi ng isang kaha ng sigarilyo, e.

Hindi ko masabing kinuha ni Tatay ‘yung isang kaha kulang pa sa puhunan ang napagbilihan ko. Baka ‘kako marini ni Tatay at mapagbintangan akong nambibintang, gayong tiyak ko naming s’ya ang kumuha nu’n. E, sino pa ba? Naku, ‘pag narinig ‘yo’y tiyak na magpapanig na naman ang kanyang tenga at kahit na may hang-over ay tiyak na

sapul na naman ang ulo ko ng malutong na batok at kung mamalasin pa’y may bonus pang sipa’t tadyak. Kaya nga ingat ako sa pagsasalita.

Matama kong pinagmasdan si Nanay sa kanyang pagkakaupo sa harap ng isang

lumang lamesita. Halos magsalubong ang kanyang mga kilay at halos magkandakunut-kunot ang kanyang noo sa pagbilang ng mga perang papel. Batid kong inihihiwalay n’ya ang puhunang pambili ng mga karne para bukas o di naman kaya’y pilit n’yang pinagkakasya ang tubo sa mahabang listahan ng aming mga utang sa tindahan ni Aling Pinang. Dangan naman kasi, sa inutang na alak lang ‘ata ni Tatay, kulang na ang tinubo ni Nanay. Ngayon ko lamang napansin, ang laki na nang itinanda at ipinayat ni Nanay. Marami na ang guhit sa kanyang noo at ang kanyang mga braso ay yayat

na’t may mga balat nang lumalawlaw. Marahil ay pagkaluwang-luwang na sa kanya ng kanyang kupas na bestida. Ilang taon na nga ba si Nanay? Sa pakiwari ko’y sadyang napakatanda na ng kanyang hitsura sa kanyang edad.  Napag-isip-isip ko, pinatanda na si Nanay ng trabaho at sakripisyo… ng pagod at perwisyo… ng bunton at konsumisyon!

Naalala ko, umaga nu’n, bitbit na ang kahon ng mga sigarilyo nang masalubong ko si Kristal na sisinghap-singhap habang basing-basa ang mga mata sa luha.

Kuya, sabi ni Milet… ano… ano… bakla ka raw. Tinukso n’ya ko e… Kuya ko raw… ano… bakla! Huhuhu….

Lekat, pagagalitan ko nga ‘yung matabil na batang ‘yon!

Pinagalitan ko nga si Milet, kalaro at halos kasing edad ni Kristal. Ewan ko ba, pero hindi ko matiis si Kristal. Gusto kong madama n’ya na may kakampi s’ya.

Hindi ko napansing nagtititili na pala ako sa harap ng batang walang kalaban-laban. Nu’ng una’y si Kristal ang ipinagtatanggol ko pero nu’ng kalagitnaa’y napansin ko ng sarili ko na ikinakatwiran ko. Sa isip-isip ko, oo na, bakla na kung bakla, pero hindi na ‘yun kailangang ipamukha pa. Alam na naman ‘yun ng lahat at hindi ko ‘yun ikinakaila. “Yung iba nga sa looban, mandurugas, krimina, mamamatay-tao, putsa – sa madaling salita, di hamak na mas masama kaysa sa ‘kin, kung masama nga ‘kong maituturing – hindi naman sila bakla, ah. Bakit ba ang kabaklaan ng mga bakla ang madalas na pinagdidiskitahan ng mga pakialamera? Kasalanan b ang maging bakla?

E, ano ngayon kung bakla? Ang nanay mo nga e….. e….. ano….. nagpapaano… kung kani-kanino nagpapaano!

Saka ko lamang napansing parang nagsesermon na’ko at ang sinenermonan ko’y

di na lamang si Milet kundi ang marami pang ibang tagaloob.

Bago pa ‘ko nakapagpatuloy at sisinghap-singhap na rin si Milet habang lumuluha katulad ni Kristal kani-kanina.

Isusumbong kita sa Nanay ko… isusumbong kita! Huhuhu…

Aba’y kahahatid-hatid ko pa lang kay Kristal sa bahay nami’y dinig ko na agad ang matitinis na tili ni Aling Beth.

Hoy, Openg! Anong ginawa mo kay Milet ko?

Sa harap ng aming pintuan, mga ilang hakbang ang layo ay naroo’t nakapamaywang si Aling Beth habang si Millet ay nagtatago sa likod ng kanyang kanang binti. Halos pumutok ang kanyang dibdib sa masikip niyang tube-blouse na pula. Inilalantad ng kanyang maikling maong na shorts ang kanyang mapuputing binti. Samantala’y nagpapakasasa naman sa katititi kay Aling Beth ang mga kalalakihang nangag-ipon na sa harap ng bahay naming habang ang mga kababaiha’y nakaabang sa susunod na mangyayari upang mamaya’y may paksa na naman silang mapagtsitsismisan.

Pa’no ho’y pinaiyak n’ya si Kristal, e.

E ano’t sinabi mo pang nagpapaano ako sa kung kani-kanino? Ano bang pakialm mo?!

Napag-isip-isip ko, hindi ko nga pala dapat sinabi ‘yon. Totoo, wala na ‘kong pakialam do’n, tulad ng kawalan nila ng pakialam sa kabaklaan ko. Sabagay, alam na ‘yon ng lahat. Alam ng lahat ng tagalooban na si Aling Beth ay nabuntis ng dati n’yang kasintahang anak ng isang konsehal. Pero sa halip na panagutan ang kanyang dinadala, tinakbuhan s’ya ng lalaki at binalaan pa s’ya ng konsehal na huwag gagawa ng eskandalo. Hindi rin lihim sa lahat na nang makapanganak s’yay nagpalipat-lipat s’ya ng pagsasayaw sa kung saan-saang beerhouse hanggang sa humantong s’ya sa isang mumurahing cabaret. At nitong huli, dahil medyo laspag na raw, ay umaasa na lang s’ya sa barya-barya mula sa kung sinu-sinong tagalooban o dayong gusting magparaos ng init.

Ngunit napasubo na’ko at kailangan kong mangatwiran.

Dangan kasi’y si Milet naman ang nauna!

S’yang pasungaw ng Tatay ko sa pintuan, halatang naalimpungatan sa pagkakaidlip.

- How, Castor! ‘Yang mga anak mo, binastos ako’t pinaiyak ‘tong si Milet ko!

Ewan ko ba kung bakit kinailangan pang lakasan ni Tatay at iparinig sa kanila ang bawat sermon at mura kasabay ng paghagupit ng yantok ng walis-tambo sa aming binti, pigi, braso at sa kung saan-saan. Ewan ko kung bakit kinailangang lumagabag pa nang malakas ang nabuwal na mesa’t mga nangaglaglagang platong lata.

Ngawa nang ngawa nu’n si Kristal. Ngunit dinig na dinig ko ang banta ni Aling Beth bago sila umalis.

- Kastiguhin mo ‘yang mga anak mo, Castor! Kung hindi’y hindi na kita bibigyan ng diskwento sa susunod!

LINGO nu’n, isang lingo mula nu’ng pagalitan ko si Milet at bugbugin kami ni Tatay. Nakalimutan na nina Kristal at Milet ‘yun at wala na rin ang mga pasa sa katawan naming magkakapatid.

Pagod na kaming magtaguan sa eskwelahan nina Noknok, Milet at Kristal kayat napagkaisahan naming maglaro ng aral-aralan.

Bakit nga naman hindi, total tuwing Sabado o Linggo lang naman kami nakakapasok sa eskwelahan, dangan nga lamang ay hindi upang mag-aral kundi upang maglaro. Grade Six n asana, samantalang si Kristal at Milet ay Grade two na sana. Ewan ko ba kung bakit hindi kami makapag-aral gayong mahihirap din naming tulad naming ang mga nag-aaral doon. A, siguro nga’y mas mahihirap kami!

Si Openg na ang titser natin.

E, sino pa?

Okay na rin, total pangarap ko rin naming maging titser. Kaya lang, ayaw ni Tatay. Dinig na dinig ko pa nga ang usapan nila ni Nanay isang gabi.

Sayang naman, Castrol, kung matitigil si Openg. Gusto pa naman daw n’yang maging titser.

Ku… ano bang titser-titser, kapurol-purol ng utak niyan! Paturuan mong

maggupit at magkulot do’n sa parlor, total babakla-baka, e! Buti pa

‘yon, arawan ang kita.

Inis na inis ako no’n kay Tatay. Kontrabida talaga! Aba’y hindi ‘ata mapurol ang utak ko.

O sige, tayong mga pulis ni Ser Openg.

Hoy, Mam Openg! Hahaha…

Batukan ko nga si Noknok. Mapang-asar kasi. Titser (daw) ‘ata ‘ko. Di tuloy siya makaganti.

O sige, sagutin n’yo ‘to. Sino ang ilaw ng tahanan?

E di… bumbilya! Hahaha…

Mahilig talagang magpakwela si Noknok. Kaya naman inis sa kanya ang titiser n’ya. Busero na, pilosopo pa.

Tanga! Ang ina ang ilaw ng tahanan. Ngayon, sino naman ang haligi ng tahanan?

Si Noknok uli.

Ama?

Tama!

Pero hindi makapaniwala si Noknok. Naalala ko, ‘yun nga palang pulis n’yang tatay ay may kinakasama na raw sa Pasay na mas bata at mas maganda kaysa nanay n’ya. Usap-usapan nga minsan sa looban na Japayuki raw ‘yung bagong asawa ng tatay ni Noknok at sila ng

nanay n’ya ay kinalimutan na raw. Sabagay, haligi nga nama’y suporta, pundasyon. Paano nga naman maniniwala si Noknok na ang ama ang haligi ng tahanan kung ang tatay n’ya mismo ay di sila sinusuportahan. At si Milet, nasaan na nga pala ang tatay n’ya? Aba’y maging ang mga tsismoso sa looba’y nagsagawa na rin sa panghuhula!

Pero ewan ko, minsan naiinggit ako kina Noknok at Milet. Minsan kasi, naiisip ko, sana mawala na rin ang tatay ko.

Isang hapo’y sinadya ko si Nanay sa palengke. Mahalaga ang aking pakay. Maselan ang aking sasabihin. Sa gitna ng pag-alis-pagparito ng mga mamimili ay paputul-putol kong naisalaysay kay Nana yang sinabi sa ‘kin ni Kristal.

Kuya, kanina naglaro uli kami ng bahay-bahayan ni Tatay.

Gitla si Nanay at di-makapaniwala.

S’ya raw ang Tatay at ako ang Nanay. Tapos… hinubaran n’ya ‘ko ng damit…

Ako ma’y di-makapaniwala nang ikwento sa ‘kin ‘yon ni Kristal.

Tapos… tapos… naghubad din s’ya.

Matatalim ang titig sa ‘kin ni Nanay… mapang-usig.

‘Wag kang magbibiro ng ganyan, Openg!

Hind maaaring magsinungaling si kristal. Hindi s’ya maaarin magsinungaling sa ‘kin.

- Sabi n’ya ‘wag ko raw sasabihin kay Nanay. Bukas pa nga raw malalaro ‘uli kami. Tapos, kuya, binigyan n’ya ng limampiso… eto o.

Ilang sandaling natigilan si Nanay. Sa pakiwari ko’y naghahagilap siya ng sasabihin. Ngunit kitang-kita ko ang panginginig ng kanyang mga kamay at ang pangangatal ng kanyang panga.

Ale, bili ba ho kayo…

Garalgal ang lumabas na tinig sa bibig ni Nanay.

Ku…. Nagpapaniwala ka sa batang ‘yon! Gawa-gawa n’ya lamang ‘yon!

Sana nga…

Ale, bili na kayo…

Sana…

Maagang naubos ang mga paninda ni Nanay kayat niyaya n’ya ‘kong sumabay sa kanya sa pag-uwi. Bitbit ko ang bayong na lama’y mga kagamitan sa pagtitinda samantalang sakbit ni Nana yang palumpon ng mga barya’t perang papel na pinagbilihan. Magkasabay naming tinatahak ang landas patungo sa looban.

Sa daan, walang-imik si Nanay. Sa pakiwari ko’y binabagabag s’ya ng kwento sa ‘kin ni Kristal. Pilit kong iwinawaksi ang pangyayaring ‘yon sa ‘king isipan ngunit madalas pa rin akong natutuliro at natutulala sa pag-aalala. Ilang araw pinag-isipan at pinagdalawahang isip kung dapat ko ngang sabihn. ‘yon kay Nanay. At ngayo’y ewa ko kung tama ang

naging desisyon ko.

Ilang sandali lamang ay nasa harap na kami ng aming barung-barong. Marahang binuksan ni Nanay ang pintong hindi natatrangkahan. At… at… at kapwa kami nagitla ni Nanay sa aming nakita… si Tatay, halos hubo’t hubad na nakakubabaw kay Kristal at sapu-sapo ang bibig ng kaawa-awa kong kapatid na walang-muwang sa pang-aabuso sa kanyang kahinaa’t

kawalang-muwang. Napabalikwas si Tatay. Hindi pa man siya lubusang nakababangon ay nasugod na siya ni Nanay.

Walanghiya ka, Castrol! Walanghiya!

Pinagbubugbog ni Nanay ang dibdib at mukha ni Tatay. Ang mga mata ni Nanay ay nag-aapoy sag alit. Dama ko ang nagpupuyos na suklam, muhi at poot sa kanyang dibdib.

Hinawi s’ya ni Tatay, hinablot sa buhok at sinuntok, tinadyakan, tinulak. Bumalandra si Nanay sa lamesita. Nagkalampagan ang mga latang plato. Nabasag ang mga basong dati’y sisidlan ng kape. Kitang-kita ko nang umagos ang dugo mula sa mga labi Nanay. Kitang-kita ko…

Nandilim ang aking paningin. Dali-dali kong kinapa ang laman ng bitbit kong bayong. Sumakamay ko ang kutsilyong gamit ni nanay sa palengke. Nagsusuot ng pantaloon si

Tatay nang s’yay aking sugurin. Ubod-lakas ko s’yang inundayan sa kanyang likuran.

Napaharap s’ya sa ‘kin, napahinuhod. Nanlaki ang kanyang mga pulang mata. Parang

biglang nawala ang kanyang kalasingan. Sa kanyang bibig ay may tumakas

na ilang utal na salita.

O… O… Openg… hu… hu… wag…

Ngunit sa kanyang mukha’y nakita ko ang larawan ng tatay ni Noknok, ‘yung pulis na umiwan sa kanilang mag-ina.

Muli kong inundayan s’ya ng saksak sa dibdib…

-Para kay Noknok!

Naalala ko ‘yung anak ni konsehal, ‘yung umabandona kina Aling Beth at Milet.

Isa pa, sa tiyan…

-Para kay Milet!

Nakita ko si Nanay… gitla at tulala. Naalala ko ‘yung pagpapakahirap n’ya sa

pagtatrabaho habang si Tatay ay nagpapalaki ng ano sa kahihilata sa bahay. Naalala ko ‘yung bugbug n’yang iniluluha n’ya na lang at madalas ay pilit n’yang itinatago sa ‘min.

Isa pa sa tagiliran…

-Para kay Nanay!

Naalala ko ‘yung pag-aaral ko ng nahinto, ‘yung panlalait sa kabaklaan ko, ‘yung maraming batok at tadyak at ‘yung bawat pasa sa katawan ko na oo nga’t naghilom ay nag-iiwan naman ng latay sa puso ko’t isipan.

Isa pa, sa balakang….

Para sa ‘kin!

Tiningnan ko si Kristal… duguan ang binti at hindi magkamayaw sa kangangawa sa harap ng nasasaksihang karahasan. Naalala ko ‘yung kamusmusan n’yang inagaw ni Tatay, ‘yung kahinaan niyang sinamantala ni Tatay, ‘yung kalinisan niyang dinungisan ni Tatay at ‘yung pagkababae niyang niluray ni Tatay.

Isa pa, sa ano…

-Para kay Kristal!

Nanaginip ‘uli ako.

Nakaharap sa pader sa dulo ng pasilyo si Kristal, nakahilig ang kanyang noo sa braso.

- Pagbilang ko ng sampu nakatago na kayo!

Isa… Dalawa… Tatlo…

Nakita ko ang silid sa kaliwa’t kanan ng pasilyo: Doon sa isa sa mga iyo’y madalas kaming maglaro ng aral-aralan nina Noknok, Milet at Kristal. Sa kabilang dulo ng pasilyo’y naroroon pa rin ang banyong madalas dating pambosohan ni Noknok.

-Apat… Lima… Anim…

Mula sa butas ng banyong iyo’y kita-kita k si Kristal. Wala pa ang sampu’y lilinga-linga na s’ya.

- Pito… Walao… Siyam…

Sinilip niya ang unang silid.

- Sampu!!!

Ginalugad niya ng tingin ang mga lumang mesa’t mga iika-ikang silyang naroroon. Napalipat-lipat ng silid si Kristal… palinga-palinga… naghahanap… upang pagdating sa huli’y maluha-luha s’yang iiling-iling, sabay bubunghalit at mag-aanyong kaawa-awa.

Sa gayong tagpo’y kaaawaan ko ang kanyang inosenteng mukha na lalong pinaamo ng nangingislap n’yang mga mata dahil sa mga namumuong mga luhang nagbabadyang pumatak.

Ngunit hindi pangalan ko ang tinatawag ni Krista. Hindi ako ang hinahanap n’ya…

‘Nay… ‘Nay… Nanay?

Marahan kong hinaplos ang buhok ni Kristal at maamong tinitigan ang kanyang maamo at kaawa-awang mukha.

“Wag kang mag-alala Krista, Bukas dadalawin natin sa presinto si Nanay…

-wakas-

ang kentong ito katha ni Rolando Bernales

About livingstain

simple yet yummy.
This entry was posted in Uncategorized and tagged , , , , , , . Bookmark the permalink.

16 Responses to Taguan

  1. doroastig says:

    Tomorrow, Saturday, we will be observing EARTH HOUR. Show your support here.

  2. Yvarro says:

    hmn, muli ko lang inisip.. nagkakasala ba ang tao dahil sa kahirapan?.. o .. naghihirap ang tao.. dahil sa kasalanan?…

    ang ganda ng kuwento… pero ayokong makita sa tunay na buhay.. nakakatakot… :-/

  3. Ang haba, pero ang ganda… All applause to Rolando Bernales!

  4. duking says:

    ang ganda ng kwento. ito ang kinatatakaman kong sulatin. yung pwedeng ibenta pero makukuha mo ng libre. hanga talaga ako sa husay mong magsulat. mapa tulaan man o maikling kwento.

    nangyayari talaga yung ganyang mga kwento. sana nga nananaginip lang tayo kaso ito ay isang reyalidad sa atin. kahirapan, bisyo, kawalan ng respeto sa sarili, pandadamay sa kawalan ng pag-asa sa bukas at kalaunan, pagsuko. ang nakakalungkot, ang inosentang gaya nina openg at kristal at ni millet at ni noknok ang nadadamay sa mga kasalanan ng matatandang dapat sana ay pumo protekta sa mga musmos na gaya nila.

    again, napakagandang kwento. karangalan kong mabasa ang ganito kahusay na akda. salamat.

  5. eleyyu says:

    Kuya stain! kamusta po? Hehehe. Eto na nga po pala bago kong blog! Naks! namiss ko mamasyal dito, kuya! hehehe. – tootsie roll

  6. IRISH says:

    SOBRANG GANDA NG KWENTO HINDI NAKAKSAWA BASAHIN…..NAUUGNAY SYA SA REALIDAD NG ATING HENERASYON,,,,.,NAKAKAPAGTAKA HINDI BAT ANG ANAK AY SARILING DUGO AT LAMAN,? BAKT KELANGAN GAWAN NILA ITO NG KAHAYUPAN……..

  7. Jericho D. Beltran says:

    napakagandang kwento, hinahanp-hanap ko ito, kse nung 1 st year Colege ako, may copy ako ng ganyan kwento, yun lng, nwala dahil nga din, iba na rin ang mga subjects ko this 2nd year,

    Sna hangang Panaginip nalng yan at hndi sa reyalidad,at napakasakit mang isipin, pero ganyan tlga ang buhay,

  8. Bexy Trooz says:

    maganda sya pero ano kaya ang dahilan bakit nakulong ang kanyang ina….?

  9. !ang ina ang aako sa kasalanan nang anak :D kaya nakulong

  10. Paolo Lim says:

    ano ang konek ng titulong Eli, Eli, lama sabachthani… sa kwento na taguan?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s