Paalam Tatay… Paalam…

Eli Eli lama sabachthani… Matthew 27:46

Nakatira kami sa isang maliit na barangay na hindi masyadong maunlad, sa totoo lang, bago mo kami marating, dadaan ka muna sa mahaba at maalikabok na daan. Yaan ay kung tag-araw, pero kapag tag-ulan naman, maswerte ka na kung hindi ka mauuntog sa sinasakyan mo dahil malamang sa baku-bakong kalsada ang tatahakin mo. Sa totoo lang din malayo kami sa kabayanan, malayo kami sa kabihasnan. Pero hindi nangangahulugang salat sa karunungan ang mga nakatira dito, maaaring mayroong mga mang-mang ngunit ilang porsyento lang sila ng aming populasyon. At maipagmamalaki kong hindi kami nahuhuli sa iba. Magagaling kasi ang mga kapitang namuno sa amin.

Sabi ng tatay ko nasa dugo daw namin ang dugong politiko, mula kasi sa lolo ko, sa tito ko, hanggang sa tatay ko, lahat sila naging parte o opisyales ng aming munting barangay. Si tatay, oo si tatay naaalala ko sa tuwing lalaban sya bilang konsehal noon, laging number 1, magaling kasi syang makisama sa ibang tao, wala syang ginagawang labag na makakasira sa malinis niyang pangalan.

Nitong nakaraang eleksyon sinubukan ni tatay kumandidatong kapitan, alam nyang dehado sya sa laban pero matapang si tatay kahit alam kong may kaba sya sa kanyang dibdib, tinuloy pa rin nya, wala naman daw mawawala kung matatalo sya, at least sumubok sya.

Malinis ang labanan dito sa amin pero aaminin ko, sa umpisa pa lang ng kampanyahan, ang husga ng mga tao, hindi magwawagi ang aking ama. Hanggang dumating ang paghahatol, si tatay nakikipagkwentuhan lang ilang metro kung saan ginaganap ang bilangan, wari’y patay malisya at handa na sa kalalabasan. Ilang sandali pa ang lumipas, natapos din ang lahat, hindi pa alam ni tatay ang resulta, kinamayan na sya ng kanyang katunggali, niyakap sya at binati tanda ng pagtanggap sa pagkatalo at sya naming pagwawagi ni tatay. Sa ilang puntos na lamang niya sa kalaban, noon ko lang nakitang masaya ang aking ama, noon ko lang nakitang tumalikod siya sandali at nagpunas ng luha dala ng katuwaan at pasasalamat. Oo tama ka, nanalo si tatay, kapitan na ang tatay ko ngayon.

Matapos ang pasasalamat sa mga tumangkilik, sa mga nagmahal, sa mga sumuporta at nagbigay ng tiwala sa kanya, dumating ang unang unos. Hindi ko alam kung tama bang tawagin itong unos, ngunit katanggap tanggap siguro kung sasabihin kong isang pagsubok, ang piyesta ng aming barangay, ang kapisatahan ng aming mahal na patron Santa Maria kung saan si tatay ang syang mamumuno. Nakita ko ang pagsusumikap ni tatay na mailunsad ng maganda ang piyesta, lagi syang pagod, minsan nalilipasan pa ng gutom. Naging maayos naman ang pagdiriwang, mayroong gumagalang mosiko, kaunting palaro at nailakad din ang prusisyon kung saan si nanay na hindi naman talaga relihiyosa ay na sa likod ng karo ng mahal na birhen at nangunguna sa mga nagdarasal. Hahaha… yon yata talaga ang papel ng bagong unang ginang. Sa bahay naman namin nagkaroon ng malaking handaan, ang pinakamalaking handaang nakita ko na ginanap sa aming bakuran, andaming bisita, andami-daming tao, kaya lang karamihan sa kanila, hindi ko kilala.

Napakabaiit talaga ng Diyos sa amin lalo na sa aking ama, mula noong konsehal pa lang si tatay, hanggang ngayong naging kapitan, at sa pagdaraos ng piyesta hindi nya kami iniwan. Napakaganda ng naging katapusan ng taon para sa aming pamilya.

Maganda din ang pasok ng taon maraming naiisip na proyekto si tatay upang mapaganda ang kanyang nasasakupan. Madalas nga gabi na syang umuuwi, minsan lasing pa, sabi nya sa akin parte daw iyon ng pagiging kapitan nya, ang makihalubilo sa mga tao, mayaman man o mahirap.

Nitong nakaraang martes, hindi maganda ang gising ko, medyo masakit ang ulo dala siguro ng hindi magandang panaginip, pero dali-dali pa rin akong bumangon para isuga ang aming kalabaw. Nakita ko si tatay nagbibihis, tinanong ko siya kung saan pupunta, sabi nya makikipaglibing daw sya sa isa naming kababaryo na namatay dahil sa malubhang sakit, si nanay naman ay nag-aayos ng damit na dadalin ni tatay mamayang hapon papuntang Baguio, may seminar kasi sya doon kasama ang iba pang kapwa kapitan sa iba’t-ibang barangay. Hanggang umalis na si tatay patungong simbahan, sakay ng service nyang bisikleta na natatanggal pa yata ang kadena.

Katanghaliang tapat, sabay sabay kaming kumakain ng biglang dumating ang sundo ni tatay. Hindi pa kami natatapos pero napagpasyahan na nyang iwan ang pagkain, dali dali nyang kinuha ang bag ng mga damit nya, nagulat nga ako, hinalikan nya kaming lahat, si nanay, ako at ang dalawa ko pang kapatid. Nagkatinginan pa kami ni nanay dahil sa matinding pagtataka.

Mag-aalas-tres ng hapon, hindi ko maintindihan naging balisa ako, sa mga oras kasing iyon, dapat kung hindi ako natutulog ay nanonood ako ng t.v, pero hindi ko alam kung bakit wala akong gustong gawin kahit isa. Naaalala ko ulit si tatay, ang bait bait nya, ewan ko kung kinunsinte nya ba ako o hinayaan lang matuto noong pinag-aral nya ako sa kolehiyo. Alam kong alam nya na hindi ako pumapasok noon, pero ng komprontahin nya ako hindi pa rin nya ako pinagalitan, sabi lang nya “Huwag mo akong sisisihin kung maghirap ka man balang araw, tinupad ko ang obligasyon ko na pag-aralin ka pero ikaw ang umayaw, hindi ako”. Mahikli pero tagos sa buto. Hanggang naputol ang pagiisip ko ng marinig ko si nanay na may kausap sa cellphone, pinapapunta kami sa La Union, nandon daw si tatay hinihintay kami.

Sa sasakyan pa lang dala siguro ng kaba at pagtataka hindi nakuhang tumulo ng luha ko, si nanay, nakita ko nakatingin lang sa kawalan. Nagulat ako ng biglang iliko ng driver sa isang punerarya ang aming sinasakyan. Ayoko sanang bumaba pero hinila ako ni nanay. Habang papalapit kami ng papalapit, papahigpit ng papahigpit ang kapit niya sa aking braso. Ng tanggalin niya ang kumot na bumabalot sa taong kasing katawan ni tatay, sumabog si nanay, isang malakas na hiyaw ang kanyang pinakawalan, at ng aking silipin, ayaw ko sanang maniwala pero hindi ako pweding lokohin ng aking nakikita, si tatay nga, butas ang ulo tagos hanggang noo.

Huminga ako ng malalim, nanginig ang buo kong katawan, pakiwari ko’y tumigil ang mundo, naramdaman ko na lang na napaupo ako, tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Andaming tanong na pumasok sa isip ko, pero wala ni isa man ang nabigyan ng sagot. Papaano na kami, papaano na ang mga kabarangay ko, anong kasalanan ni tatay, sino ang nagpapatay sa kanya, bakit siya binaril ng patalikod, ng walang kalaban laban. Bakit si tatay, God bakit si tatay pa?

Patuloy pa rin ang burol, muli, nagdagsaan ang mga tao, ang mga taong hindi ko kilala, ang mga nagluklok sa kanya, pati ang dati’y mga kalaban sa pulitika. Bawat oras hindi nawawalan ng bisita, andaming bulaklak, lahat nagbibigay ng pakikiramay. Bukas na ang huling araw ni tatay, bukas ililibing na ang mga adhikain nya para sa amin at para sa kanyang barangay.

Tatay, gusto kong sumigaw, gusto kitang ipaghiganti, pero sino ang pagbubuntunan ng galit ko e kahit ikaw hindi mo alam kung sino ang sa iyo’y pumaslang. Gusto kong bigyang hustisya ang ginawa nila sayo, pero sino tatay. Tatayyyyyyyyyy………

Diyos ko, Diyos ko bakit mo ako pinabayaan? Bakit hinayaan mong mangyari ang lahat sa pamilya ko, alam nyong hindi lang basta sakit ang nararamdaman namin ngayon. Diyos ko, wasak na wasak ang aming tahanan, papaano ito muling tatayo kung ang mga haligi nito’y nakahimlay ngayon at wala ng buhay? Diyos ko salamat sa kaunting panahon na nakasama ko si tatay, hindi madali ang hinaharap namin ngayon pero lahat pinagpapaubaya ko sayo.

Tatay saan ka man naroroon, mahal na mahal ka namin, mahal na mahal kita, maaaring bukas iiwan mo na kami pero ang pagmamahal namin sayo hindi mawawala. Paalam tatay… Paalam…

The End

PAALALA!

-Hindi ito kwento ng buhay ko, kwento ito ng isang kaibigang anak ng politikong biktima ng karumaldumal na krimen.

Ilan sa mga tagpo, istadistika at mga pangyayari ay kinailangang kong dagdagan para sa ikagaganda ng kwento. Hindi ako gumamit ng pangalan para mapag-ingatan ang kanilang karapatan.

Hindi ito sinulat para gamitin sa personal na kagalingan kundi para humipo ng damdamin ng iba.

At sa iyo na nagbabasa ngayon, hindi pa huli ang lahat, sabihin mo sa mga mahal mo sa buhay na mahal na mahal mo sila dahil hindi sa lahat ng panahon nandyan sila para sa atin.

About livingstain

simple yet yummy.
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

19 Responses to Paalam Tatay… Paalam…

  1. licabblog says:

    sa mga usaping ganito ay lagi nang talo ang pamilya.

    nakakalungkot, nakakapanghinayang na dahil lamang sa pulitika ay may mga buhay na nawawala.

  2. alma says:

    Akala ko pa nman buhay mo yan. Sinabi ko na agad kay Ms Lett hehehe. Galing mo tlga sna ung love story nman. Gudluck syo sna marmi ka pang maisulat na katulad nito.

  3. Jorge says:

    Langya ka, akala ko buhay mo to eh kakakwento mo palang ng laboy trip ng parents mo dyan sa place mo. hehehe..

    Pero kiddin aside, kakalungkot ung ganitong pangyayari, sa pinas lang yata may ganyan, patayan ng mga pulitiko.. haysz!

  4. abrel says:

    ang masasabi ko lang, nakakalungkot talaga

  5. eli says:

    na-touch ako sa kwento mo…akala ko buhay mo. ang galing mo magkwento.

    1st time ko po mapunta dito. nasundan kita mula sa blog ni bro utoy.

  6. sus, Alvin akala ko kwento mo ito…🙂

    pero kagaya nga ng mga nauna ko nang sinabi, talagang magaling kang magsulat…

    Sabi nga ni Noli de Castro, kung sasali ka sa pulitika, dalawang bagay lang ang pwedeng mangyayari. Pwedeng maging marumi ang kamay mo kagaya ng ibang pulitiko. Pwedeng habang buhay kang makikipagsayaw kay Kamatayan…

  7. flamindevil says:

    hala.kala ko kwento ng buhay mo.sad pero artistic ang pagkakasulat.

  8. licabblog says:

    having come from a political clan, hindi na nakakapagtaka na may mga ganitong pangyayari sa napakaliit na bayan natin.

    hindi nakakapagtaka.
    pero talaga namang nakakalungkot.

  9. payatot says:

    akala ko sayong wento yan! pero magaling ang detalye..

  10. bonistation says:

    nice one! nung unang mabasa ko to kala ko buhay mo din at naibida ko agad sa mga kasama ko! (hindi pa kase tapos kwento,atat ako) ayun kala ko talaga may nangyare sa tatay mo nun…

    anyway! ganda ng plot! NAKAKALUNGKOT nga lang kase may mga ganyang pangyayari dahil lang sa mga kagustuhan ng iilan… hays!

    may he rest in peace… (nakikiramay uli)

  11. Eugene says:

    Kakalungkot isipin na sa kababawan ng mga kadahilanang ganito e pinag bubuwisan ng buhay ng ibang tao…sa mga politikong gumagamit ng dahas..mag hintay lng kayo..dahil ang mga maliliit na tao sa paligid nyo ay naghahanda para gawin din sa inyo ung ginagawa nyo sa kapwa nyo…mamamatay din kayo!

  12. joycee says:

    Okay so isa din ako sa mga nagoyo na kwento mo ‘to hehe.

    Seriously, nakakalungkot naman ‘to. Tama ka, habang may chance dapat pakita naten ang pagmamahal naten sa mga tao sa paligid naten

    Thanks for sharing.

    Godbless! =)

    *at sana okay na ngayon ang friend mo.

  13. rob says:

    ‘nahipo’ talaga ang damdamin ko. magaling!

  14. glesy the great says:

    nice one… salamat at pinost mo to…. parang pinindot-pindot ang puso ko dito…

  15. macallister says:

    sayo ata talaga tong story e…LOL

    this is sad…but true

  16. jem says:

    *sigh* yun naman pala..akala ko kuwento mo..pero nalungkot ako ah, si papcee din kasi eh mahilig din sa pulitika..kaya nakakatakot din minsan dahil iba ang pulitika diyan sa nueva ecija..newey, salamat dito sa post mo’t nakapagmunimuni ako..

  17. eloiski says:

    nakakalungkot naman ito. pero sa La Union ba talaga? ha? ewan ko lang pero parang may ganyan ding balita akong narinig dito sa La Union…

    hmmm…

  18. brotherutoy says:

    di ko alam, alvin na isa ka palang…

    manghihipo, este, manunulat pala!ü

    ang galing. maiiyak na sana ako eh lalo na nung part na sisigaw na yung bida. parang pang-movie!

    kapag ginawa na itong pelikula, bigyan mo naman kami ng ticket sa première ha!

    God bless!

  19. waah, akala ko sayong kwento to..onga. dapt talaga hanggang may time ka pa para iparamdam sa kanila pagmamahal mo, gawin mo

    un din ung ayaw ng tatay ko, ang pulitika, may mga kamag-anak man kaming naluluklok sa pwesto, wala ni isa sa pamilya ang pinayagan ng tatay ko para pumasok sa pulitika

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s