Doon po sa La Union

Nakatira kami sa isang maliit na barangay na sakop ng lalawigan ng Nueva Ecija. Sakto lang, Payak ang pamumuhay, hindi masyadong maunlad, pero payapa. Minsan nakakalungkot kasi sa totoo lang, bago mo kami marating, dadaan ka muna sa mahaba at maalikabok na daan. Yaan ay kung tag-araw, pero kapag tag-ulan naman, maswerte ka na kung hindi ka mauuntog sa sinasakyan mo dahil malamang sa baku-bakong kalsada ang tatahakin mo. Sa totoo lang din malayo kami sa kabayanan, malayo kami sa kabihasnan. Pero hindi nangangahulugang salat sa karunungan ang mga nakatira dito, maaaring mayroong mga mangmang ngunit ilang porsyento lang sila ng aming populasyon, at maipagmamalaki kong hindi kami nahuhuli sa iba. Magagaling kasi ang mga kapitang namuno sa amin.

Sabi ng tatay ko nasa dugo daw namin ang dugong politiko, mula kasi sa lolo ko, sa tito ko, hanggang sa tatay ko, lahat sila naging parte o opisyales ng aming munting barangay. Si tatay, oo si tatay naaalala ko sa tuwing lalaban sya bilang konsehal noon, laging number 1, magaling kasi syang makisama sa ibang tao, wala syang ginagawang labag na makakasira sa malinis niyang pangalan.

Nitong nakaraang eleksyon sinubukan ni tatay kumandidatong kapitan, alam nyang dehado sya sa laban pero matapang si tatay kahit alam kong may kaba sya sa kanyang dibdib, tinuloy pa rin nya, wala naman daw mawawala kung matatalo sya, at least sumubok sya.

Malinis ang labanan dito sa amin pero aaminin ko, sa umpisa pa lang ng kampanyahan, ang husga ng mga tao, hindi magwawagi ang aking ama. Hanggang dumating ang paghahatol, si tatay nakikipagkwentuhan lang ilang metro kung saan ginaganap ang bilangan, wari’y patay malisya at handa na sa kalalabasan. Ilang sandali pa ang lumipas, natapos din ang lahat, hindi pa alam ni tatay ang resulta, kinamayan na sya ng kanyang katunggali, niyakap sya at binati tanda ng pagtanggap sa pagkatalo at sya naming pagwawagi ni tatay. Sa ilang puntos na lamang niya sa kalaban, noon ko lang nakitang masaya ang aking ama, noon ko lang nakitang tumalikod siya sandali at nagpunas ng luha dala ng katuwaan at pasasalamat. Oo tama ka, nanalo si tatay, kapitan na ang tatay ko ngayon.

Matapos ang pasasalamat sa mga tumangkilik, sa mga nagmahal, sa mga sumuporta at nagbigay ng tiwala sa kanya, dumating ang unang unos. Hindi ko alam kung tama bang tawagin itong unos, ngunit katanggap tanggap siguro kung sasabihin kong isang pagsubok, ang pyesta ng aming barangay, ang kapisatahan ng aming mahal na patron Santa Maria kung saan si tatay ang syang mamumuno. Nakita ko ang pagsusumikap ni tatay na mailunsad ng maganda ang piyesta, lagi syang pagod, minsan nalilipasan pa ng gutom. Naging maayos naman ang pagdiriwang, mayroong gumagalang mosiko, kaunting palaro at nailakad din ang prusisyon kung saan si nanay na hindi naman talaga relihiyosa ay nasa likod ng karo ng mahal na birhen at nangunguna sa mga nagdarasal. Hahaha… yon yata talaga ang papel ng bagong unang ginang. Sa bahay naman namin nagkaroon ng malaking handaan, ang pinakamalaking handaang nakita ko na ginanap sa aming bakuran, andaming bisita, andami-daming tao, kaya lang karamihan sa kanila, hindi ko kilala.

Napakabaiit talaga ng Diyos sa amin lalo na sa aking ama, mula noong konsehal pa lang si tatay, hanggang ngayong naging kapitan, at sa pagdaraos ng pyesta hindi nya kami iniwan. Napakaganda ng naging katapusan ng taon para sa aming pamilya.

Maganda din ang pasok ng taon maraming naiisip na proyekto si tatay upang mapaganda ang kanyang nasasakupan. Madalas nga gabi na syang umuuwi, minsan lasing pa, sabi nya sa akin parte daw iyon ng pagiging kapitan nya, ang makihalubilo sa mga tao, mayaman man o mahirap.

Nitong nakaraang martes, hindi maganda ang gising ko, medyo masakit ang ulo dala siguro ng hindi magandang panaginip, pero dali-dali pa rin akong bumangon para isuga ang aming kalabaw. Nakita ko si tatay nagbibihis, tinanong ko siya kung saan pupunta, sabi nya makikipaglibing daw sya sa isa naming kababaryo na namatay dahil sa malubhang sakit, si nanay naman ay nag-aayos ng damit na dadalin ni tatay mamayang hapon papuntang Baguio, may seminar kasi sya doon kasama ang iba pang kapwa kapitan sa iba’t-ibang barangay. Sabi ni nanay ilang araw din daw si tatay sa Baguio dahil mamamasyal pa daw ata sila sa huling araw nila dito. Ilang minuto pa ang nakalipas, narinig kong umalis na si tatay patungong simbahan, sakay ng service nyang bisikleta na natatanggal pa yata ang kadena.

Katanghaliang tapat, sabay sabay kaming kumakain ng biglang dumating ang sundo ni tatay. Hindi pa kami natatapos pero napagpasyahan na nyang iwan ang pagkain, dali dali nyang kinuha ang bag ng mga damit nya, nagulat nga ako, hinalikan nya kaming lahat, si nanay, ako at ang dalawa ko pang kapatid. Nagkatinginan pa kami ni nanay dahil sa matinding pagtataka. Bilang pang huli, sibi niya “sandali lang ako doon, babalik din ako agad.”

Mag-aalas-tres ng hapon, hindi ko maintindihan naging balisa ako, sa mga oras kasing iyon, dapat kung hindi ako natutulog ay nanonood ako ng t.v, pero hindi ko alam kung bakit wala akong gustong gawin kahit isa. Naaalala ko ulit si tatay, ang bait bait nya, ewan ko kung kinunsinte nya ba ako o hinayaan lang matuto noong pinag-aral nya ako sa kolehiyo. Alam kong alam nya na hindi ako pumapasok noon, pero ng komprontahin nya ako hindi pa rin nya ako pinagalitan, sabi lang nya “Huwag mo akong sisisihin kung maghirap ka man balang araw, tinupad ko ang obligasyon ko na pag-aralin ka pero ikaw ang umayaw, hindi ako”. Mahikli pero tagos sa buto. Hanggang naputol ang pag-iisip ko ng marinig ko si nanay na may kausap sa cellphone, pinapapunta kami sa La Union, nandon daw si tatay hinihintay kami.

Sa sasakyan pa lang dala siguro ng kaba at pagtataka hindi nakuhang tumulo ng luha ko, si nanay, nakita ko nakatingin lang sa kawalan. Siguro ito na ang pinaka mahabang paglalakbay na nagyare sa buong buhay ko, nakakatakot, nakakakaba, walang kasigurasuhan kung masaya ba o kung anuman ang maari naming datnan doon. Walang nagsasalita, binging bingi ako sa katahimikan at mabilis na tibok ng aming mga puso.

Ilang sandali pa nagulat ako ng biglang iliko ng driver sa isang punerarya ang aming sinasakyan. Ayoko sanang bumaba pero hinila ako ni nanay. Habang papalapit kami ng papalapit, papahigpit ng papahigpit ang kapit niya sa aking braso. Nang tanggalin niya ang kumot na bumabalot sa taong kasing katawan ni tatay, sumabog si nanay, isang malakas na hiyaw ang kanyang pinakawalan, at ng aking silipin, ayaw ko sanang maniwala pero hindi ako pweding lokohin ng aking nakikita, si tatay nga, butas ang ulo tagos hanggang noo.

Huminga ako ng malalim, nanginig ang buo kong katawan, pakiwari ko’y tumigil ang mundo, naramdaman ko na lang na napaupo ako, tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Andaming tanong na pumasok sa isip ko, pero wala ni isa man ang nabigyan ng sagot. Papaano na kami, papaano na ang mga kabarangay ko, anong kasalanan ni tatay, sino ang nagpapatay sa kanya, bakit siya binaril ng patalikod, ng walang kalaban laban. Bakit si tatay, God bakit si tatay pa?

Patuloy pa rin ang burol, muli, nagdagsaan ang mga tao, ang mga taong hindi ko kilala, ang mga nagluklok sa kanya, pati ang dati’y mga kalaban sa pulitika. Bawat oras hindi nawawalan ng bisita, andaming bulaklak, lahat nagbibigay ng pakikiramay. Bukas na ang huling araw ni tatay, bukas ililibing na ang mga adhikain nya para sa amin at para sa kanyang barangay. Ang sakit tanggapin na isang kurap lang ay matatapos na ang paglalakbay nya sa kanyang buhay.

Tatay, gusto kong sumigaw, gusto kitang ipaghiganti, pero sino ang pagbubuntunan ng galit ko e kahit ikaw hindi mo alam kung sino ang sa iyo’y pumaslang. Gusto kong bigyang hustisya ang ginawa nila sayo, pero sino tatay. Tatayyyyyyyyyy………

Diyos ko, Diyos ko bakit mo ako pinabayaan? Bakit hinayaan mong mangyari ang lahat sa pamilya ko, alam nyong hindi lang basta sakit ang nararamdaman namin ngayon. Diyos ko, wasak na wasak ang aming tahanan, papaano ito muling tatayo kung ang mga haligi nito’y nakahimlay ngayon at wala ng buhay? Diyos ko salamat sa kaunting panahon na nakasama ko si tatay, hindi madali ang hinaharap namin ngayon pero lahat pinagpapaubaya ko sayo.

Tatay saan ka man naroroon, mahal na mahal ka namin, mahal na mahal kita, maaaring bukas iiwan mo na kami pero ang pagmamahal namin sayo hindi mawawala. Paalam tatay… Paalam…

Ilang taon na ang lumipas, hanggang ngayon tinatanong ko pa rin kung saan ba talaga tayo papunta, ano ba talaga ang naghihitay sa dulo ng daan, kailangan ba talaga nating magluksa para lang sa mga hindi natin malamang mga dahilan, at kailangan ba nating magpatayan para sa iilan at mga makasarili nating pananaw sa buhay. Wala na akong panahon para bumalik pa sa nakaraan, lahat ng bukas ko ibinibigay ko kay nanay at sa mga kapatid ko, gusto kong humakbang ng humakbang patunggo sa lugar kung saan nalimot na nila ang kahapon, ang masakit na sugat ng kahapon. Wala ng mangyayari, kailangan na naming magtulong tulong at muling mabuhay ng may pagmamahalan at isa pa ring pamilya dito sa barangay na aming ginagalawan. Yun naman talaga ang aral ng buhay hindi ba, yung patuloy kang babangon, yung patuloy kang lalaban, pero mas mabuti siguro kung gagawin ko yon ng may ngiti. Sigurado akong sa pamamagitan nito, kahit mahirap, unti unting magliliwanag ang bukas at ang mga susunod pa naming mga bukas.

Halika samahan mo ako, pasyal tayo, doon, doon sa La Union.

ito ang aking lahok sa Saranggola blog awards 4 – Maikling Kwento

About livingstain

simple yet yummy.
This entry was posted in Uncategorized and tagged , , , . Bookmark the permalink.

4 Responses to Doon po sa La Union

  1. bagotilyo says:

    Msaya akong nagtapos ang kwento ng punong puno pa din ng pagasa🙂

    Goodluck sa SBA..

  2. ELIment says:

    ang bukas ay laging magliliwanang kung paliliwanagin ito ng ngiti sa labi.hehe

    gudluck sa entry natin, alvin..

  3. Leeh Saberon says:

    napaka ganda at napakaraming mapupulot na aral ..

    kahit puno ng pighati, pagsubok at suliranin ang buhay, hindi iyon dahilan para hindi na tayo magpatuloy sa buhay, bagkus ito ang ginagawang kasangkapan at inspirasyon para mas maging matayog pa ang iyong lalakbaying kinabukasan …

    dalaw din po kayo sa blog ko …
    daisylee-saberon.blogspot.com

    salamat po🙂

  4. inongdavid says:

    kakaibang paglalakbay, puno ng emosyon. at tulad ng nasabi ni bagotilyo masaya akong nagtapos ito na punong-puno ng pag-asa.

    Kaya mo yan bro! (salamat sa pagkukuwento)

    Goodluck sa patimpalak.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s