Sa mga tulad nating blogista, pangkaraniwan ng tanong sa atin ang: “bakit ka nagboblog?”. Simple lang naman ang sagot natin don di ba, para mapagyaman ang ating talentong mag-isip, magkwento, at magsulat ng ibat-ibang istoriya ng ating buhay sa loob ng mundo.
Isang taon na ang nakalipas ng magsimula akong magblog. Mangaliw at magbigay ng informasyon naman ang gusto kong ipahatid sa mga mambabasa noon, hanggang ngayon.
Noon hindi basta-basta ang kalakaran, kapag mahaba ang blog mo, asahan mong “love et at nice blog” lang ang makakamit mo. Oo, mahaba akong magblog noon, akala ko kasi mahirap mag kwento kung hindi puno ang detalye, akala ko kasi, hindi gaganda ang obra kung hindi gagamitan ng mabubulaklak na salita. Tama nga naman, walang mali sa pagboblog pero kung gusto mo ng maraming tagahanga, kailangan mong umisip ng paraan para hindi mainip ang iyong mga mambabasa. Nasa internet kasi tayo at literal na isang click lang-maari ng malipat sa iba ang atensyon ng bisita mo.
Hindi ko pinopromote and short blogging, kanya-kanyang pamamaraan yan, ang sa akin lang ay yung tingin kong mas ok, pero sabi ko nga: Kanya-kanya yan.
Sa loob ng isang taon naranasan kong magkaroon ng mahigit sandaang comments. Naging batayan ko yun para sabihing sikat na ako, hanggang nilunod ko na ang sarili ko sa kalokohang ako rin ang lumikha, sa pag-aakalang kilala ako ng lahat, sa paniniwalang patuloy lang na dadami ng dadami ang mga taga subaybay ko. Hanggang sa kung anong bilis nilang dumating ay syang bilis din nilang nawala. Hanggang sa napraning na ako, parang isang artistang nawalan ng karir at nagpasyang magsara muna panandalian. Sa aspetong ito, nakakatawang sabihing: Huwag ninyo akong tutularan, at huwag ikintal sa isip ang salitang kasikatan.
Noong nagsara ako, ang plano ko ay pagtagalin iyon ng isang buwan, pero paksyet, tatlong araw pa lang kung ano-ano ng ideya ang naglalaro sa isip ko na nagsasabing kailangan ko ng sumulat. Ayon saktong apat na araw balik blog na naman, pero hindi na gaya ng dati, marami na akong binago sa ugali ko, at bumalik na ako sa una kong adhikaing-mangaliw at magbigay informasyon.
Yan na rin siguro ang munting sikreto kung bakit tumagal ako ng isang taon. Pero ano ba naman yung isang taon kumpara sa iba, ang mahalaga:
“nandito pa rin ako nagkukwento sa inyo”


Noong nakaraang linggo habang nagpapagaling ako ng aking bagang ay naisipan kong lumayo muna sa mga tao sa aming bahay upang maiwasan ang usapan at tawanan na makakaapekto sa aking sugat. Minabuti ko munang pumunta sa aming bukid para makalanghap ng sariwang hangin at makapagbasa ng mga paborito kong kwentong pambata.






